Minsan talaga, hindi ko maintindihan kung bakit ganoon.
Sa utak ko napakarami kong tanong.
Kung ako ay uupo lang, may mahihintay ba?
Eh kung tumayo at maglakad, saan naman ako pupunta?
Hindi naman sa naiinip ako,
pero sa tagal ng panahon hindi ko alam kung papaano.
Paano buksan ang pintong nakakandado?
Nasaan na nga ba ang susi, hindi ako sigurado.
Ayoko namang magtunog desperada.
Pero sa mesang animan lagi kasing bakante ang isa.
Kaya napapaisip ako bakit kaya wala ka pa?
Na-traffic ka lang ba o naliligaw na?
Pero darating ang araw magtatagpo rin tayo.
Ang tagal kong naghihintay kaya dapat ikaw ay totoo.
‘Wag kang lilingon sa kanan o sa kaliwa.
Diretso lang ang tingin para ako ay makita.
Kahit nasaang lupalop ng mundo ka man ngayon.
Dadalhin ka ng Diyos sa akin sa tamang panahon.
Iingatan ko ang puso ko hanggang sa iyong pagdating.
Higit pa sa huli at nauna ikaw ay aking mamahalin.
Mahirap naman kasi talaga ang maghintay.
Madalas masakit, bakit ang ipinagdadasal ang tagal ibigay?
Pero kung meron mang kulang sa buhay ko ngayon,
Ang makapagpupuno lamang ay ang Panginoon.
Sa aking pag-iisa, ito ang aking panalangin.
Nawa’y ang Diyos lubos mong ibigin.
Ikaw ay lumago at umasa kang ganoon din ako
dahil mahalaga na sa Diyos tayo ay buo.
‘Wag kang maiinip, tibayan mo ang iyong loob.
Hindi magtatagal mga puso nati’y titibok.
Isang araw magigising na lang tayong dalawa,
Na ang tibok ng puso natin ay sadya ng pinag-isa.











