Psalm 46:10 Be still and know that I am God. I will be exalted among the nations, I will be exalted in the earth…
Sa sitwasyon ko, maraming pagsubok din ang ibinigay ng Panginoon sa akin. Katulad ng di ako magkaanak, kabiguan na hindi ako makapagtrabaho dahil sa kalagayan ko, kabiguan dahil di ko matulungan ang asawa ko sa pag tulong sa pamilya. Marami akong pag-aalala katulad ng kung paano ako makatutulong sa mga magulang namin na matatanda na at makapagbigay ng suportang pinansiyal. Nandoon ang aking agam-agam lagi sa aking sitwasyon na dala ng aking case sa korte. Paano ang aking asawa? Paano ang aking kapatid, sino ang aalalay sa kanya? Pero pinaalala ng Panginoon sa akin na maging mapayapa dahil siya ang Dios na Dakila at may gawa ng langit at lupa. Walang makahihigit sa Kanya sa kabila ng aking mga kinahaharap at lahat ng agam-agam sa buhay. Maraming ipinakita ang Panginoon na mabubuti nyang gawa at pagsagip sa aking buhay. Ang mga kalungkutan ay binigyan nya ng kasiyahan. Ang aking agam-agam sa buhay ay binibigyan nya ng kapayapaan sa kabila ng mga pagsubok dahil sa bawat laban ko sa buhay ay kasama ko ang aking Dios na hindi sa akin nang-iwan o nagpabaya man lamang. Lagi Siyang tapat sa Kanyang mga nilikha at aking nababatid na ang mga pagsubok ay mapagtatagumpayan kapag kasama ang Dios.
Salamat po Panginoon ko na Ikaw ang aking Dios. Pinapayapa mo ang aking puso. Pinaaalala Mo sa akin na Ikaw ay tapat at totoo sa Iyong pangako. Itataas Kita sa lahat ng aking mga gawa at ihahayag Kita sa lahat na Ikaw ay Dakila. Mamahalin Kita Panginoon na nagligtas sa akin. Sa’yo lagi ang mataas na kapurihan Ama ko. Amen.













